#ML50: X-tibak
MINSAN, sa isa sa maliligalig na gabi nung First Quarter Storm, nakatutok si Ester sa pakikinig sa Radyo Patrol.
Halatang hindi mapakali at aburido. Pabalik-balik sa pwesto- iinom ng tubig, uupo at makikinig.
Then, tatayo ulit palakad-lakad. Feel na feel ang pakikinig sa kung anupamang dahilan.
Lalapit sa radyo at lalakasan ang volume tapos hihinaan pag maingay ang mga pagsabog ng molotov cocktails at putukan ng mga baril.
Ibinalita na nagkasalpukan ang mga anti-riot police at mga estudyante sa demonstrasyon sa Caloocan at maraming kabataan ang nasaktan.
Natahimik siya nang banggitin ang mga sugatan sa riot.
Pero may isang tumatak sa memorya n’ya sa detalye ng 761 Metrica St., Sampaloc, Maynila. Address yan ng bahay nila Ester.
Address ng isa sa mga nasugatan sa demo ay nagngangalang “Lyn Guerrero”.
Pagkatapos ng isang oras, may dumating na dalawang sasakyan ng Metrocom sa tapat ng bahay nila Ester. Hinahanap si Lyn Guerrero.
Dahil wala namang Lyn Guerrero sa kanilang bahay, umalis din ang Metrocom.
Hindi nagtagal, pumarada ang isang kotseng puti sa tapat ng bahay nina Ester.
Pagbukas niya ng pinto, bumungad ang anak na inaalalayan ng mga kasamahan dahil tinamaan ng shrapnel ang kaliwang hita.
Shocked, dali-daling ipinasok nina Ester at asawang si Pedring ang anak.
Pagkaalis ng mga kasamahan, drama ang sumunod na eksena.
“Ano ba pumasok sa isip mo at sumali ka riyan? Hindi ka namin pinag-aral para mag-aktibista!”
Sabay iyakan at pangongonsensya sa anak.
May continuation pa yan kinabukasan hanggang naging buhay na teleserye sa bahay.
Kaya pala hindi regular ang pagpasok at uwi ni “Lyn” sa kanilang bahay. Bisi-bisihan sa sekretong extra-curricular activities.
Kinabukasan, nasa litrato ng front page ng dyaryo si “Lyn”, hawak ang natitirang dalawang pisong papel, itinakip sa mukha habang nakahiga sa stretcher at ipinapasok sa ambulansya.
Myembro ng Kabataang Makabayan si “Lyn Guerrero”. Treasurer sa NCR at madalas sila magmiting sa National University sa M.F. Jhocson St.
Nadiskubre ito ng kanilang eskwelahan at muntik nang hindi grumadweyt si “Lyn”.
Sobra ang pressure at kaba niya kaya puspusan ang kanyang pagre-review para makabawi sa naging absences at makumpleto ang kanyang requirements.
Nag-aaral siya ng education major in library science minor in Pilipino sa National Teachers College sa Tanduay, Manila.
Ilang hakbang lang ito sa Mendiola kung saan matatagpuan ang official residence ng presidente ng Pilipinas – ang Malacańan Palace.
Ang kondisyon ng kanilang eskwelahan, kailangan ma-defend niya ang ginawang thesis na may pamagat na “The Role of Librarians in the National Democratic Struggle”.
Matalas, masipag at masigasig na mag-aaral si “Lyn” kaya tagumpay na na-defend niya ang thesis at grumadweyt.
Pagka-graduate, nakuha siyang librarian sa Our Lady of Perpetual Help at sumasahod ng P90 kada buwan. Mabait na anak at buong ibinibigay sa magulang ang swèldo.
Kinalakihan sa Pilipinas na obligasyon ng panganay na tumulong sa pagpapaaral sa mga kapatid.
Hindi nagtagal, kinuha siyang magturo sa Gregorio Perfecto High School sa Tondo.
Dahil kakarampot lang ang sahod, dama niya ang hirap, sumasama siya sa mga rali ng mga guro para dagdagan ang kanilang sweldo.
Pag may mga pagkilos ang Manila Public School Teachers Association, sumasali pa rin siya, nasa puso at diwa pa rin ang paglaban sa mga karapatan at kagalingan ng tao.
Bilang breadwinner ng anim pang kapatid, (ang isa pang kapatid ay hiwalay na nakatira sa sariling pamilya), kapos ang sahod para sustentuhan ang pangangailangan sa pang-araw-araw.
Sa sobrang pagnanais makatulong sa magulang at pagmamahal sa mga kapatid, naunahan pa siyang makapag-asawa ng mga sumunod sa kanya.
Kung paanong nagsakripisyo siya sa bayan, ganun din siya sa pamilya.
Halos tumandang dalaga na siya hanggang nagkanobyo ng, of all, sundalo. In fairness, mabait, magalang at hindi ugaling pasista si Private first class. Pero hindi naman sila nagtagal dahil kung saan-saan nadedestino si sir.
Syempre kahit sino naman, naghahanap ng love hanggang nakapag-asawa siya ng Saudi-based Overseas Contract Worker (OCW) na ngayon ay tinatawag na Overseas Filipino Workers o OFW.
Nagkainlaban sa pasulat-sulat ng love letter.
Nagkaron sila ng dalawang anak at nakapagpatayo ng sariling bahay sa lupa ng asawa sa Batangas.
Pero hanggang sa pagpapamilya, sinusubukan ang katatagan ni “Lyn” dahil ang panganay ay pasaway, ang bunso ay may special needs at ang asawa ay na-stroke.
Sa mahaba ring panahon, ininda rin ni “Lyn” ang sariling karamdaman na meningitis at sa higit 70 edad, malakas pa siya sa kalabaw.
Dahil malapit sa Taal Volcano, hindi biro na lumikas bitbit ang pamilya at magpalipat-lipat ng pansamantalang tirahan bilang mga bakwit sa huling pagsabog nito nung January 2020 na inabutan pa ng pandemic.
Nananalaytay na sa kanyang dugo ang pagiging kasamang promotor sa mga pagbabago sa bansa man, o sa sektor at sa komunidad, aktibo siya ngayon bilang lider ng senior citizens sa kanilang lugar.
Masinop at maagap niyang naidedeliver ang mga benepisyo sa mga senior, bagay na sadyang nagpapasaya sa kanya.
Hindi naging normal ang buhay ni “Lyn Guerrero”.
Ipinanganak siya sa gitna ng tunggalian sa lipunan.
Labanan ng mga pwersang nagsusulong at kumukontra sa pagbabago ng lipunan.
Mga pinagsanib na pwersa ng magsasakang inabot na ng sentenaryo ay alipin pa rin ng lupang sinasaka, ng mga manggagawang naghububog ng mga produkto at serbisyong panlipunan, mga katutubong inaagawan ng lupain, mga kababaihang sinasamantala ang pagkababae at bilang babae, mga maralitang tagalunsod at mangilan-ngilang makabayang negosyante.
At sa kabilang spectrum, nagkakampihan ang mga pulitiko at punong bayan na nagnanakaw ng pera ng bayan, malalaking haciendero na nagkakamkam ng mga lupa at malalaking negosyanteng kumukontrol sa produksyon lahat yan, sa kumpas ng imperyalistang Estados Unidos.
Para manatili sa pwesto at pangangamkam sa yaman ng bayan, ginagamit nila ang pulisya at militar, korte at kulungan para patayin at patahimikin ang mga kritikal na media, cause-oriented groups o nongovernmental organizations at mamamayan na nagbubulgar ng mga katiwalian sa gobyerno at pagsasamantala sa yamang kalikasan ng bansa.
Kaya ang mga tulad ni “Lyn” ay nahubog na maging tibak ng First Quarter Storm, nanindigan sa pambansang kalayaan at demokrasya na tumagos hanggang sa kanyang college thesis at buhay.
Mapanlabang guro na buhay ang malasakit sa bayan at kapuwa hanggang sa ngayon.
Tumayong breadwinner sa pamilya nung dalaga pa at tumatayong breadwinner ngayong may sariling pamilya.
Survivor ng martial law, krisis pang-ekonomiya at pampulitika.
Nilampasan ang mga pagsabog ng bulkan at lindol, naging bakwit at itinayo muli ang kabuhayan sa gitna ng pandemic.
Mahirap isipin paano niya ito nagawa at ginagawa. Pero ang malinaw – humuhugot siya ng lakas sa suporta ng pamilya at Diyos na parating una sa kanyang puso.at isipan.
Ang ina ay deboto ni Mama Mary, Sto Nińo at San Miguel Arkanghel.
Lumaki ang magkakapatid sa araw-araw na panalangin na ipinatagos ng ina tuwing alas sais ng gabi o Angelus.
Nagsisimba sa Redemptorist Church tuwing Miyerkoles, St Jude sa tabi ng Malacańan tuwing Huwebes, at Black Nazarene tuwing Biyernes.
Sa pagpanaw ng kanilang mga magulang, pinangungunahan niya ang pagpapatuloy ng panata ng ina mula ng pagkadalaga – ang pagsisimba sa Sto. Nińo Church sa Tondo tuwing unang misa ng bawat unang Linggo ng Bagong Taon.
Naging gabay niya at ng mga kapatid ang mga pangaral ng magulang at mga salita ng Diyos sa pang-araw-araw na buhay.
Isa si “Lyn” sa ordinaryong mamamayan at aktibista na walang mukha o hindi kilala, na nagsulong ng pagbabago at naghubog ng kasaysayan ng paglaya ng bansang Pilipinas.
Maraming salamat sa mga katulad mo. Inspirasyon ka at ang iyong ina sa inyong pagmamahal sa pamilya, sa bayan at sa Diyos.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com
Comments
Post a Comment