NEOLIBERALISMO
BUKAMBIBIG ng mga kritiko ng pamahalaan ang neoliberalismo.
Ito ang sinisisi kung bakit wala sa tamang direksyon ang landas ng pamamahala; kung bakit hindi humuhupa ang kahirapan; ang tiwaling gawain; ang matinding implasyon at samut-saring delubyo sa sitwasyon ng pambansang ekonomiya.
Bago sa pandinig ng ordinaryong mamamayan ang neoliberalismo. Pero sa mga sosyalista at mga nasyonalista, ang neoliberalismo ay matandang polisiya na nagpapatuloy kahit pa tinutuligsa ito sa napakahaba nang panahon.
Ano ba ang mali sa neoliberal policy?
Tumutukoy ito sa pang-ekonomiya at panlipunang mga polisiya na pumapabor sa pagbibigay ng kontrol sa mga pribadong negosyante na nagreresulta sa mas limitadong regulasyon mula sa pamahalaan. Saan napunta kung ganun ang pagiging parens patriae (guardian of the people) ng gobyerno?
Sa isang neoliberal na setup, ang mga private businesses ay may mas malawak na papel sa pambansang ekonomiya dahil meron silang malayang kamay o kumpas para sa mga negosyong direktang nakakaapekto sa kabuhayan ng mga tao. Isinusuko sa kanila ng pamahalaan ang kontrol sa maraming negosyo, serbisyo, isyu, trabaho.
Pero maari mong maitanong: hindi ba may mga regulatory agencies naman tayo na ang mandato ay magbantay sa kapakanan ng publiko? Halimbawa, sa usapin ng kuryente ay nandiyan ang Energy Regulatory Commission (ERC). Sa usapin ng tubig, andiyan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System Authority (MWSSA).
Marami pang mga ahensiya na may katulad na mandato para sa mga sektor na madalas ay hindi lubos ang pribiliheyo sa lipunan– gaya ng sector ng paggawa (labor) at sakahan (agriculture). Subalit kung papansinin, dahil sa patuloy na neoliberal policies sa mga sektor na ito, walang pag-angat sa kabuhayan ng mga apektadong sector. Walang pagbaba ng singil sa kuryente o tubig; walang resonableng pagtaas ng sahod o kaya ay equitable land distribution dahil mas nangingibabaw sa mga polisiya ng naturang mga ahensiya ang interes ng kapitalista kesa interes ng publiko.
Ang kontraktuwalisasyon halimbawa ay maituturing na isang neoliberal policy. Kapag sinabing kontraktuwalisasayon, ito ay ang polisiyang nagtatakwil sa security of tenure o kawalan ng seguridad sa trabaho. Sa ilalim ng kontraktuwalisasyon, ang trabahador ay inaalok ng limang buwan lamang na kontrata sa pagtatrabaho at walang katiyakan kung siya ay mananatili rito o kaya ay tuluyang aalisin upang palitan ng panibagong contractual worker pagkatapos ng limang buwan.
Sa bansang gaya ng Pinas, ang pagkakaroon ng empleyo ay hindi nangangahulugan ng disenteng pamumuhay. Sa kakarampot na suweldo, hindi ito nakakasapat sa harap ng malalang implasyon. Ang masaklap pa ay ang walang kasiguruhan sa pagtatrabaho o ang kawalan ng security of tenure dahil sa umiiral na neoliberal policy ng kontraktuwalisasyon.
Mas pabor sa kapitalista ang kontraktuwalisasyon dahil nakakaiwas sila sa obligasyong magbigay ng tamang benepisyo sa mga manggagawa. May pangamba ang gobyerno na umalis ang mga negosyante kung magpapatupad ng makatuwirang suweldo at benepisyo. Mamamatay anila ang negosyo.
Ang totoo, nasa pagpapatupad ng makatuwirang policy sa trabaho ang ikakabuti ng negosyo at paggawa. Mas episyente ang manggagawa at mas lalaki ang produksiyon sa isang kompanyang ang mga manggagawa ay nabibigyan ng tamang pasahod. Bagamat ilang beses nang tinutuligsa ng mga organisasyon sa paggawa ang kontraktuwalisasyon at sa katunayan ay ipinangako itong aalisin sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte, nanatili ang neoliberal na polisiya na ito sa paggawa.
Higit na naging laganap sa ngayon ang neoliberal policies na umiiral sa bansa, ayon sa tingin ng mga dalubhasa sa ekonomiya at paggogobyerno. Mas pinapakinggan at sa katunayan ay pinapaboran ng gobyerno ang pribadong mga negosyante na sumasawsaw sa mga gawain sa gobyerno.
Mas marami ring batas na nagbukas para sa dayuhang kapital at halos isuko na natin ang lokal na produksiyon ng mga batayang produkto sa importasyon. Sinasabing pangalawa na sa buong mundo ang Pinas sa pinakamalaking nag-aangkat ng bigas. Inagawan na ng dayuhang mga bansa ang lokal na magsasaka ng kanilang kabuhayan. Sino ba ang gaganahang magtanim kung lugi lang din sa presyuhan dahil hindi na makapagkompetensiya sa mura at imported na pataba, bigas, sibuyas, gulay, karne?
Lagi-laging ipinapangalandakan ng pamahalaan na masusugpo ang kahirapan sa pakikipag-kooperasyon natin sa dayuhan. Maging bukas daw tayo sa globalisasyon. Ang pagyakap umano ng Pinas sa globalisasyon ang mag-aangat dito sa di maawat-awat na paglobo ng kahirapan. Tama ba ang tinahak natin na daan dahil sa sulsol ng malalaki at mas makapangyarihang mga ekonomiya gaya ng Tsina at US?
Hindi pabor ang neoliberal policies sa agrikutura sa ating mga magsasaka. Nagbukas ito sa malawakang importasyon. Bakit isinusumpa na ng mga magsasaka ang palayan? Sa kanilang desperasyon, nais na lamang nilang makawala sa lupang binubungkal at humanap ng ibang alternatibong pagkakakitaan. Imbes na tulungan silang ibangon ang lokal na produksyon, mas hinihikayat ng pamahalaan ang pag-iimport dahil sa nagbabantang food crisis. Imbes na isulong ang mas mataas na presyo ng palay para ganahan sa pagtatanim ang mga magsasaka, binibigyang hustisya nila ang pagkakamal ng pribadong tubo habang pinagmumukhang solusyon ang importasyon na pumapatay sa lokal na produksiyon.
Matitiyak lamang ang pag-unlad sa pamamagitan ng integrasyon o globalisasyon kung ito ay naaayon sa mga lokal na patakaran at pangangailangan ng mamamayan. Hanggat ang mindset ng mga nanunungkulan nating public officials ay nakatuon sa importasyon at patuloy na pagyakap sa idinidiktang mga polisiyang nakakiling sa neoliberalismo, ang pag-unlad ay isang napakalayong mithiin.
Pero posible ang panibagong mundo na nagtatakwil sa neoliberalismo, kung may rebolusyonaryong reporma sa kultura, panlipunan at ekonomikong mga polisiya.
Kaya bang itakwil ng gobyerno ang kasalukuyan nitong mga polisiya sa privatization, deregulasyon at import liberalization?
For once, hamon sa kasalukuyang administrasyon ang pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon na kikitil sa pamamayagpag ng neoliberal policies. Rural development, agrarian, reform, build local industries, full agriculture support. Ito ang mga alternatibong policies na dapat simulang ipatupad ng bagong administrasyon kung nais ng Pinas na makawala sa mapangwasak na import dependence na sa karanasan ay nagpabagsak sa ekonomiya ng import-dependent na bansang Sri Lanka.
Ito ang nakakatakot na maging sitwasyon din ng Pinas. Ito ang dapat mapigilan ngayon pa lamang.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com
Comments
Post a Comment