Legacy ni Duterte: Suppression ng press freedom

SA administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, naging pattern hanggang naghugis bakulaw ang panunupil sa malayang pamamahayag.

Sa pinagsama-samang datos ng National Union of Journalists of the Philippines, Philippine Center for Investigative Journalism at Center for Media Freedom and Responsibility mula 2016, may 23 mamamahayag ang pinatay sa administrasyong Duterte, 37 libel cases at higit 100 media attacks kasama na ang pag-aresto, pagbabanta at iba pang harassments.

Topnotch trophy niya syempre ang shutdown ng ABS-CBN at ngayong araw dito sa Pilipinas, pumutok ang balitang ipinasasara ng Securities and Exchange Commission ang Rappler.

Alam na natin ang panggigipit na ginagawa niya sa Rappler at sa nagtayo nito na si Maria Ressa, maraming demanda at libel cases, inaresto, banned ang reporters nila.

Habang sinusulat ko itong column, nagpost ang veteran journalist na si Luz Rimban sa FB, June 29:

“Nobel Peace Prize 2021 laureate Maria Ressa announced that the Securities and Exchange Commission has ordered the shutdown of Rappler. She’s speaking here at a conference of the East West Center that Im attending in Honolulu. Maria said Rappler will appeal and continue its work. #ewcmedia”

Comment ko nga, paalis na lang sa Palasyo, nag-iwan talaga ng bakas ng media atrocity niya si Duterte.

Aapela ang Rappler ayon sa kanilang mga abugado lalo’t “highly irregular ang proceedings.”

Binantaan din ni PDuts ang Philippine Daily Inquirer hanggang nagpalit ng management.

Yung makumpirma na si Pangulong Rodrigo Duterte nga ang nagpasara ng ABS-CBN, ay malaking bagay para medyo ma-settle ang hinala at galit ko – at i-channel ang efforts, skills at creativity sa papalit na liderato. Lol!

Nagbunga na ang paghihiganti ni Duterte dahil lang hindi ipinalabas ang huling political ads niya sa ABS-CBN noong 2016 presidential election.

Winasak ni Duterte ang libo-libong pangarap at kabuhayan ng mga Kapamilya kasama na ako. At wag naman sanang masundan ito ng tanggalan sa Rappler.

Nadulas man ang dila ni Digong dahil sa kadaldalan o hindi, pinatotohanan niya ang dati nang alam ng buong mundo: siya ay isa ring predator ng press freedom.

Magdadalawang taon din mula nang barilin ng Committee on Legislative Franchises ng Kamara ang ABS-CBN Franchise Bill noong July 10, kinumpirma ni outgoing President Rodrigo Duterte sa oath-taking ng nahalal na Davao City official nitong June 27, 2022, na pinasara niya ang pinakamalaking media network sa buong Pilipinas.

Ito ang pag-amin ni Duterte:

“ABS-CBN never paid taxes.. Ang kawatan ng ABS-CBN kaya tinira ko talaga sila. I used the presidential powers to tell Congress that you are dealing with scoundrels and if you continue to kowtow with them, kawawa ang Pilipino.”

Patunay na ginamit ni Duterte ang batas sa franchise, ang lehislatura, National Telecommunications Commission, para itigil ang pagbo-brodkas ng ABS-CBN at supilin ang malayang pamamahayag ng Kapamilya network.

Abusado at marahas sa paggamit ng kapangyarihan si Duterte, minana sa lodi niyang diktador.

Tama ang mga kritikal at independent na mamamahayag, media watchdog groups, advocates, unions, civil society at mga manonood – ang ABS-CBN shutdown ay issue ng press freedom.

Sa kasagsagan kasi ng deliberasyon ng congressional committee sa franchise renewal bill ng Kapamilya network, todo-tanggi at panay ang depensa ng kanyang mga tuta sa Gabinete, congress, Dutertrolls, b/vloggers na hindi press freedom issue ang franchise disapproval ng ABS-CBN.

Tulad ng paulit-ulit na sinasabi ni Duterte, hindi raw nagbayad ng buwis ang ABS-CBN, may utang sa gobyerno, etc.

Mismong BIR ang tumestigo sa hearing ng Kamara na walang utang na buwis ang ABS-CBN. Katunayan nyan, nagbayad ng P15.3bilyon buwis ang ABS-CBN mula 2016 hanggang 2019, ayon sa BIR

Read: https://business.inquirer.net/301458/abs-cbn-has-no-tax-delinquency-regularly-paying-taxes-bir-exec/amp

Nagbayad din ng utang na P1.6 bilyon ang ABS-CBN sa pamamagitan ng pagbenta ng non-performing loans at assets na mandato ng RA 9182, ayon naman sa Development Bank of the Philippines.

Sinuri at sinabi ng Commission on Audit at Bangko Sentral na walang irregularity na nangyari.

Read: https://www.bworldonline.com/corporate/2021/01/19/339658/lopez-groups-loans-were-not-written-off-says-dbp/?amp

Pero bakit yan pa rin ang ikinakatuwiran ni Duterte sa pagpapasara niya ng ABS-CBN?

Pinaniniwalaan lang niya ang gusto nyang paniwalaan para ma-justify ang panunupil nya sa malayang pamamahayag.

Si Duterte ang pangunahing nagkakalat ng mis/disinflormation at fake news sa kanyang panunungkulan para malunod ang katotohanan sa marahas niyang pamamahala ng bansa.

Alam niyang nasemento na niya sa isipan ng kanyang loyalists ang paniniwalang totoo ang mga sinasabi niyang kasinungalingan.

Mis/disinformation at fake news ang sandata ni Digong para makapaghari, labagin ang Saligang Batas at mga karapatang pantao, at idikta ang gusto niyang mangyari.

Mis/disinformation at fake news na tumulong ding magluklok kay Marcos Jr sa Malakanyang.

Ang paglulugar nga riyan ng kasamahan at beterana sa media na si Luz Rimban, nilalatag ni Duterte ang daan ni Marcos Jr. papuntang palasyo.

Alam n’yo bang kulang-kulang limang libo sa higit 11,000 katrabaho sa ABS-CBN ang nawalan ng kabuhayan mula August 2020.

Sa naaalala ko, kami sa The Filipino Channel News Europe, Middle East and Africa at Kabayani Talks ang panghuling batch na nawalan ng show noong May 31 at July 2021, higit isang taon matapos ang shutdown.

Nagsara man ang ABS-CBN, nag-iwan ito ng mayayamang aral, nagbukas ng panibagong kasaysayan at maraming oportunidad sa media industry, sa mga mamamahayag at sa demokrasya.

Tumampok ang contractualization scheme na bitter lesson hindi lang sa ABS-CBN kundi sa lahat ng networks, hindi lang sa media industry kundi sa lahat ng kumpanya at pagawaan, hindi lang sa pribadong sektor at greedy corporate empires kundi maski mismo sa gobyerno – ang pinakamalaking employer ng contractuals sa Pilipinas.

Higit sa lahat, ang pagbully sa ABS-CBN dahil sa contractualization ay bumwelta rin at sumampal kina Duterte at Marcoses.

Ito’y kahit hindi naman basehan ang employment status ng mga personnel sa pagbibigay ng franchise dahil may DoLE at korte para riyan.

Hindi ba si Duterte mismo ang sumira sa campaign promise nya na tatanggalin ang contractualization nang kampihan ang mga kapitalista at i-veto o hinarang ang anti-contractualizarion bill(Security of Tenure bill) noong 2019?

https://asia.nikkei.com/Economy/Duterte-vetoes-contract-labor-bill-in-boost-for-Philippine-business

At hindi ba, ang namatay na diktador na si Marcos Sr ang promotor ng contractualization sa Pilipinas sa kanyang presidential decree 442 noong 1974?

Ang pinakamatindi at pinakamagandang nangyari dulot ng shutdown – nasubukan ang hangganan ng kompetisyon ng networks at nangibabaw ang bayanihan ng broadcast companies.

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, nagtulungan ang media networks para maipagpatuloy ng ABS-CBN ang pagbobrodkas ng mga balita at impormasyon, entertainment at public service sa taumbayan.

Unang nagpartner ang ABS-CBN at Zoe Broadcasting at ipinanganak ang A2Z Channel.

Sumunod ang TV 5 at ABS-CBN at ngayon nga ay nagpapalabas ng mga teleserye ng Kapamilya network sa Kapatid network.

Pinakahuli na nga at first time din sa history, nagkasundo ang GMA 7 at ABS-CBN na ipalabas sa Kapuso network ang award-winning at box-office hits na movies ng Star Cinema.

Nadagdagan din ang media outlets tulad ng binubuo ni Manny Villar na nakakuha ng frequency ng ABS-CBN, nakilala ang SMNI at iba pa. Welcome yan dahil mga kapatid rin sa industriya ang makikinabang dyan.

Pinakamaganda ring nangyari, nag-concentrate na ang ABS-CBN sa digital at social media platforms tulad ng IwantTFC, KTX, Kumu, WeTV, iFlix, Netflix at Spotify.

Latest na nga ay nakipag-partner ang ABS-CBN sa YouTube para magpalabas ng original series.

Ang ilang Kapamilya na nawalan ng trabaho sa iba-ibang rehiyon, nagbuo ng independent media outfits gamit ang digital at social media platforms.

Isama n’yo na kami riyan.

Dahil sa breakthroughs at milestones na ito sa history ng tv industry at digital at social media convergence sa Pilipinas, “dumami” pa ang ABS-CBN networks, lumalaganap at lumalawak pa ang naaabot nitong madlang pipol hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Higit na nade-democratize ang pagpapalaganap ng katotohanan, at parang gremlims lang na dumami ang pagpipilian o choices ng tao na meron sila o convenient sa kanila – may free tv, radio, cable, satellite, print at mobile o online media.

May mainstream o traditional, pro-government pero anti-people, at merong pro-people pero anti-establishment o alternative media.

At dahil interactive ang digital platforms, mas makalalalahok at dumarami ang masasalihan ng taumbayan sa – palitan ng impormasyon, paglalabas ng hinanaing, kuro-kuro, damayan sa mga kalamidad at krisis.

Kaya mga Ka-Publiko, fighting lang tayo – pinatibay kami ng media attacks, pinalawak ng cyberspace ang aming reach, at pinalakas kami ng pagtutulungan ng industriya at pagtataguyod ninyo, ng taumbayan.

Ito’y para labanan ang inaasahang mas mabangis na spread of lies at pagbabaluktot ng kasaysayan sa pagpapasok ng bagong bakulaw ng fake news, misinformation at disinformation na si Marcos Jr.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com


Comments

Popular posts from this blog

Bilyonaryong baon sa utang pinalalayas sa mansion?

Pari arestado sa panggagahasa sa dalagita

Estudyante hindi na libre sa LRT-2