Ateneo shooting suspect inilipat ng kulungan
INILIPAT na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Custodial Facility sa Payatas, Quezon City si Chao Tiao Yumol, ang suspek sa pagpatay sa tatlo katao sa Ateneo de Manila University noong Linggo.
Kaugnay nito, humingi ng tulong kay Pangulong Marcos ang ina ni Yumol na si Muykim kaugnay sa mga banta sa buhay ng kanilang pamilya.
“Mayroon na hong bali-balita na pinag-iingat na ho kami, na iisa-isahin nila kami,” ani Gng. Yumol.
“Sana matulungan kami ni Presidente Bongbong Marcos. Nasa panganib na ho ang buhay namin. President, maawa na ho kayo sa amin. Nasa threat ho ang buhay naming lahat,” panawagan niya.
Ginawa ng ginang ang apela isang araw bago ilibing ang asawa niyang si Rolando, 69, na binaril ng mga di pa nakikilalang salarin.
Inilibing ang padre de pamilya sa bakanteng lote na pag-aari ng pamilya Yumol sa Lamitan City. Walang dumalo na kapamilya sa libing dahil umano sa takot.
Samantala, bago inilipat mula sa QC Centralized Custodial Facility ay sumailalim si Yumol sa X-ray at physical examination.
Itinakda naman sa susunod na linggo ang pagbasa ng sakdal kay Yumol para sa mga kasong tatlong counts ng murder, frustrated murder, carnapping, at malicious mischief.
Matatandaang binaril at napatay ni Yumol si dating Lamitan City Mayor Rose Furigay, tauhan nito na si Victor Capistrano, at security guard na si Jeneven Bandiala nitong July 24 sa loob ng Ateneo.
Comments
Post a Comment