Poe nagulat sa pagkambiyo ni BBM sa Dep’t of Disaster Resilience
NABUHAYAN ng loob ang maraming senador kabilang na si Senator Grace Poe, nang sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suportado niya ang panukala na pagbubuo ng Department of Disaster Resilience na siyang tututok sa pagpapatibay ng kahandaan ng bansa sa panahon ng kalamidad at iba pang uri ng mga disaster gaya ng malakas na lindol na yumanig kamakailan sa Abra at maraming lugar sa Luzon.
Ayon ka Poe, sa ganitong mga panahon na higit kailangan ng publiko ang tulong ng gobyerno, magagawa ito sa pamamagitan ng mas coordinated at epektibong pagtugon para sa mga pangangailangan ng mga nasalanta, at ito ay siguradong maisasagawa kung may departamentong tututok dito.
“In our people’s hour of need, government must manifest its presence through a swift, coordinated response in providing for their immediate needs,” reaksyon ni Poe matapos yanigin ng magnitude 7 na lindol ang lalawigan ng Abra, Miyerkules ng umaga na nagdulot ng maraming pinsala at pagkamatay ng ilang katao at pagkasugat ng maraming iba pa.
Naniniwala si Poe na ang Department of Disaster Resilience ang siyang inaasahan na magiging unang responder sa panahon ng kalamidad at siya ring kukumpas sa mga operasyon at alalay sa mga local government units para mas mapadali hindi lamang ang search and rescue, kundi pagbibigay rin ng ayuda at recovery efforts sa mga apektadong mamamayan at lokal na pamahalaan.
Bukod kay Poe, ilang senador at mga kongresista rin ang nagsusulong sa pagbuo ng DDR. Sa katunayan, nakapasa na nga ito ng third and final reading sa Kamara at masusi ring pinagdebatehan sa Senado.
Nangangahulugan lang ito na sa dinami-dami ng Senate at house bill na dininig at pinagdebatahen sa mahabang panahon, may batayan talagang kailangan ang isang kagawaran na walang gagawin kundi ang tumutok sa pagpapalakas ng kapasidad ng bansa na tutugon sa panahon ng kalamidad at disaster lalo na ngayong matindi na ang suliranin hinggil sa climate change.
Pero ang masakit nito ay ang biglang pagkambyo ni Bongbong matapos magsalita ang self-proclaimed na super ate niyang si Senador Imee Marcos, na hindi na kailangan magtayo pa ng panibagong departamento kundi palakasin na lamang ang NDRRMC na siyang nangungunang ahensiya sa tuwing may kalamaidad o disaster na nangyayari sa bansa.
Practically ay harap-harapang kinontra ni Imee ang kapatid nitong si Bongbong sa isinagawang briefing nang sabihin na dagdag gastos lang ang pagtatayo ng bagong departamento at kung bakit hindi na lang palakasin nang husto ang NDRRMC.
At nagpasopla naman agad itong si Bongbong. Ayaw sigurong mapahiya ang kapatid dahil nasa harap ito ng maraming opisyal kung kayat nakiayon na rin ito sa senador.
Pero umaasa tayo sa mga senador at kongresista na hindi basta-basta na lang isusuko ang isinusulong nilang batas dahil lamang nagsalita na ang super ate.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com
Comments
Post a Comment