Swiss Challenge
NARINIG n’yo na ba ang Swiss Challenge?
Ginagamit ang terminong ito sa maraming pampublikong proyekto ng gobyerno gaya sa imprastruktura, na naglalayong mapabilis umano ang mga importanteng proyekto para sa kaunlaran.
As early as 2018, ang power sector ay may proposal na ang bidding ng power supply contracts (PSAs) ay isailalim rin sa pamamaraang Swiss Challenge.
Sa katunayan, naging bahagi ang aking organisasyon, ang Matuwid Na Singil sa Kuryente (MSK) sa diskusyon na ito. Nagkomento ang MSK sa proposal draft na inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC), sa “Rules Governing The Procurement, Execution, and Evaluation of Power Supply Agreements Entered Into By Distribution Utilities For The Supply of Electricity To Their Captive Market” sometime on October 2018.
Sa unang tingin, maganda ang intensyon at guiding principles ng naturang ERC guidelines.
Subalit sa aming pagbusisi, kasama ang Swiss Challenge style ng bidding at unsolicited proposals sa competitive selection process (CSP) na ito na malaon nang praktis ng distribution utilities sa rigged o manipuladong biddings kung saan ang power supply contracts ay pumapabor sa napili na o preferred supplier batay sa iskemang pagbibigay sa kanila ng original proponent status at sariling depinisyon ng terms of reference ayon sa kung ano ang alok ng napiling proponent.
Taliwas ang unsolicited proposals at iskemang Swiss Challenge sa nakasaad na layunin ng naturang guidelines na, “1. Article 1, Section 1 (e) To promote competition among generation companies (gencos) in providing the best offer of power supply which will ensure least cost of electricity for the distribution utilities (DUs) captive market in terms of the generation component of their retail rates.”
Sa praktis at sa realidad, ang Swiss Challenge biddings ay “pakana” ng malalaking power generators gaya ng Meralco, Aboitiz, VECO et.al, para makubkob ang industriya sa pamamagitan ng anointed bidder/s na siyang papalabasin na nabigyan ng karapatan o right to match/right to top advantage.
Maliwanag kung ganun na sa sistemang Swiss Challenge, imbes na ang itaguyod ay bukas at transparent na kompetisyon, ang nangyayari ay bidding na “luto” na.
Ano pa ang tsansa ng ibang nagbabalak makilahok sa bidding at seryosong naghahanda para rito? Hindi nga ba’t mas maraming kalahok na nag-aalok ng mababang presyuhan, mas pabor sa konsyumers?
May tendency na magresulta sa mas mataas na presyo ang Swiss Challenge kasi nga ay sinasaraduhan nito ang pinto para sa ibang power producers na may kakayanan din naman sanang lumahok sa bidding. Parang “all boys club” na bawal ang outsider, bawal ang hindi ka-tropa.
Nakakalungkot. Hindi ito nagsisilbing proteksyon sa konsyumers. Higit pang nakakalungkot na naka-institutionalized ang iskemang ito na maliwanag na batay sa rigged at manipulated practice ng pagbi-bid sa mga importanteng proyektong para sa taumbayan.
Ang nakita ng isang senador na advantage ng Swiss Challenge ay misplaced. Totoo marahil na mapapabilis ang pagtatayo ng kailangan pang generation companies na magdadagdag sa kasalukuyang kapasidad ng pambanasang suplay ng kuryente, subalit hindi naisaalang-alang ang di maitatatwang disadvantage ng ganitong iskema.
Susi ang Swiss Challenge sa di mawalis-walis na korupsyon sa mga ahensya ng gobyerno. Nagpapasahan ng perang panlangis para sa mga kakutsabang bidders at facilitators. Ang masaklap, ang impact at epekto ng maruming iskema na ito ay pasan ng mga konsyumers.
Dahil nakita ng MSK ang mga butas ng naturang ERC guideline, nakailang-beses itong nagpadala ng mga sulat at position paper sa ating mga kongresista at senador, at maging sa Malakanyang sa ilalim ng admistrasyong Duterte.
In essence, nailahad ng MSK sa sulat nito kay Pangulong Duterte noong Oktubre 14, 2018 na taliwas ang Swiss Challenge maging sa DOE policy. Ayon sa sulat ng MSK, and I quote:
“The ERC proposal allowing unsolicited proposals is contradictory to the policy issued by the Department of Energy (DOE) last March 21, 2018 unequivocally declaring that “the CSP circular does not allow unsolicited proposals from suppliers in accordance with the “buyers market principle” under Republic 9136.”
Ang DOE ang awtoridad at policy-making body sa usapin ng power supply. Ang ERC, samantala, ang regulator mainly sa mga rates ayon sa mandato ng EPIRA Law o Republic Act 9136. Kung gayon, dapat na sumusunod at sumasang-ayon ang ERC sa mga polisiyang iniisyu ng DOE. Nakakapagtataka na ang ERC ay madalas halos bumabangga sa mga polisiya ng DOE. Maari lamang itong tumangging magpatupad ng DOE policy kung ito ay para sa interes ng konsyumers at publiko.
Hindi ko tuloy maiwasang maisip na ang ERC ay mas tumatalima sa kagustuhan at sariling polisiya ng malalaking distribution utilities.
Sana may magpatunay na mali ang mga lumulutang na konklusyon sa isip ko. A breath of fresh air kung mapatunayang mali ako.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com
Comments
Post a Comment