Mga tanong at pangamba
PASIMPLEHIN natin ang komplikado.
O pahirapan natin ang ating mga sarili:
October 18, 2022, sumuko ang suspected gunman na si Joel Escorial sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival Lapid Mabasa o mas popular sa pangalang Percy Lapid.
Itinuro ni Joel ang mastermind na nasa National Bilibid Prison na pala.
Practically, kung tutuusin solb na ang kaso.
Kasi, ang huhulihin mong puno, kulong na.
Kaya siguro sa isang radio interview na ibinalita ng Manila Times noong Oct. 23, sinabi ni Southern Police District Director BGen. Kirby John Kraft, case solved na, kahit patuloy pa ang imbestigasyon.
Sa roundtable discussion ng Philippine Press Institute tungkol sa media attacks noong Oct. 19, dinefine ni PNP PIO Head Col. Redrico Maranan na sa PNP, solved ang krimen kapag arestado na ang suspek.
Mali. Inaccurate at misleading.
Kahit sinong ordinaryong tao, solved ang isang kaso kapag naaresto, kinasuhan at nasentensyahan ang mga suspek kasama ang mastermind sa krimen. Buo ang hustisya.
Pero kapag ilan lang ang nasentensyahan tulad sa Ampatuan massacre, partial justice pa lang ang nakuha ng mga biktima at kanilang kaanak.
Kaya dapat dumaan sa proseso ng investigation ang anumang krimen.
Ito’y para mabuo at mapatotohanan ang kwento mula sa pira-pirasong impormasyon at ebidensya.
Mula riyan, unti-unting aabante ang kaso, mate-trace ang chain ng conspiracy.
Tutukuyin ang magkakasabwat kasama ang bagman, mastermind, other at aalamin ang kanilang motibo.
Pag matibay ang mga ebidensya, kakasuhan, lilitisin hanggang maparusahan ang mga suspek.
Noong October 24, sa balita ng Inquirer.net, binaril ni PNP Chief ang sinabi ni Southern Police District Director Kraft, na case solved ang Mabasa murder case.
Kasabay nyan, sinabi rin ng PNP na pinag-aaralan nila ang may total 160 persons of interest sa kaso.
Kaya paano nga naman masasabing solved ang krimen.
Kaso, nun palang raw na iprinisenta ang suspected gunman, namatay ang isang nag-middleman na may tatlong pangalan:
Si Crisanto/Jun Globa/Jun Garcia Villamor o Cristito “Jun Villamor” PalaĆa.
Wala ngang sinabing cause of death sa papeles pero giit ni Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag, cardiac arrest.
Kaya mismong si PNP Chief Azurin, duda pati sa timing ng pagkamatay ni middleman Villamor, sa report yan ng Inquirer.net.
Dahil sa namatay na middleman, naputol na nga ba ang isang parte ng conspiracy chain?
Pero wait, sabi ng ate ng middleman, nag-iwan ng message ang namatay na middleman na ibubulgar ang laman kapag may nangyari sa kanya.
Eto ang isang parte ng mensahe na ekslusibong ibinalita ng TV Patrol:
“But when I’m gone, let Joel (Escorial) that the order came from three commanders here – Sputnik, Happy Go Lucky and BCJ. Their order came from the office. (Refering to Bilibid). On cue dapat ang NBP management ns trabahuin ito. Tiyak identified nila ang tatlong commanders.
And don’t worry. May isa pa raw nag-middle man na sentensyado at nakakulong. Siya ay si Christopher Bacoto/Jerry Sandoval. Be happy.
Kailangan talaga dalawa ang middleman. Yayamanin talaga si Mastermind.
Sa unang middleman, naguluhan ang mga imbestigador sa tatlong magkakaibang pangalan.
At kaninong office ang tinutukoy sa message? Office ng NBP head?
Samantala, suspendido si Bureau of Corrections Chief Gerald Bantag.
Makatutulong na ipapa-autopsy ulit bagama’t naembalsamo na ang bangkay ni middleman Villamor.
Puna kasi ni forensic expert Dr. Raquel Fortun sa istorya ng Pilipino Star, hindi autopsy report ang inilabas ng NBI kundi 2-page memo lang.
Walang klaro sa memo at walang konklusyong mabubuo.
Hawak ng DoJ ang NBI.
Astig lang:
Sa dami ng conspirators, nako-coordinate pa ni mastermind ang galaw at namamando pa niya ang takbo ng mga buhay ng dream tumba team sa loob at labas ng Munti?
Sinuwerte nga ba siya at namatay o pinapatay niya ang isang middleman?
May nagpo-protekta rin kaya sa kanya na maimpluwensyang tao o grupo?
For sure, may mga bayarang alalay yan para iligaw ang mga nagte-trace sa kanya.
Sisiguruhin niyang hindi makalalapit sa selda niya ang naghahanap sa kanya.
Kung positive na nasa Bilibid nga ang mastermind, hindi ba on cue – nagsagawa na ng biglaan at malawakang operasyon sa mga selda para kumpiskahin ang mga cp, gadgets, at iba pang ilegal na mga gamit, armas, droga, laptop sa gaming, etc.?
Pero up until now wala pa. Iniisip ko ikinakasa na. Kaya lang naitago na yan ng mga commander, mastermind at iba pang alalay.
Binanggit ba naman ni BuCor OIC Gregorio Catapang Jr., dating AFP chief na pwede silang magsalakay sa mga selda para kumpiskahin ang mga bawal sa loob ng kulungan.
Yung middleman kasi na namatay ay may cellphone kaya nakapag-text sa kaanak. Paano pa yung mastermind, gang commanders at iba pang alalays.
Ito’y para mapre-empt na rin ang iba pang masamang balak ng mastermind. Well, good luck Sir Catapang.
Kaya lang, ang nangyayari ngayon, pati ang pamilya ni Ka Percy – mula sa kapatid na si Roy hanggang sa anak na Mark, tumatanggap nang sunud-sunod at matitinding pagbabanta sa kanilang buhay, base sa exclusive report ng TV 5 kahapon, Oct. 25.
Mahigpit ang panalangin naming mga kasamahan sa media nina Ka Percy at Roy na maging ligtas ang kanilang pamilya sa lahat ng pagkakataon.
Umaasa rin kami sa PNP na mapangangalagaan nila nang mahigpit ang kaanak ng biktima.
Sa ngayon, apat ang tinukoy na nag-execute ng pagpatay:
Bukod kay Escorial, nandyan magkapatid na Israel Adao Dimaculangan, Edmon Adao Dimaculangan at isang kinilala lang sa pangalang Orly o Orlando.
Mina-manhunt na silang tatlo ayon may PNP PIO Chief Col. Maranan.
Ingat lang din sa mga kababayang may katulad na mga pangalan o kamukha ng mga suspek sakaling matukoy na, bekenemen mapagkamalang kayo ang mga suspek at matimbog. Nangyayari kasi yan sa totoong buhay.
Idagdag ang pangalawang middleman. Sabi secured naman daw siya? Gaano kaya ka-secured? Sana wag namang manlaban noh.
Ano kaya ang susunod na pasabog sa kaso?
Bawat ba pag-abante sa imbetigasyon para makilala ang mga suspek ay bubulagain ng pagpatay o kakaibang eksena sa bawat suspek?
Wala naman sana tayong mabalitaan na nakalipad na sa ibang bansa ang isa o iba pang suspek lalo na’t hindi pa sila kilala, may pera at wala namang hold departure order.
Kung ganyan, aabot pa ba tayo sa punto na makikilala pa natin ang mastermind na nasa sa Bilibid?
Puputulin ba nito ang chain ng conspiracy o may kung sino o anumang pangyayaring maghahatid papunta sa mastermind?
Hawak ng DoJ ang NBI at Bilibid.
Hawak naman ng DILG ang PNP at BJMP.
Nagtutulungan o nagkakanya kanya?
Halimbawa, dun kasi sa pagkamatay ni middleman Villamor, sa report ng Business Mirror nung October 21, sinabi ni Justice Secretary Boying na unfortunate ang trahedya sa inmate na si Villamor.
Kung natimbre raw sana agad sa kanila ng pulisya, na-secure nila si middleman Villamor nang mas maaga.
Kahit sino ang basa riyan ay naninisi siya sa PNP na hawak ng DILG. Yun o.
Tapos sa balita ng GMA7 News nitong Oct. 25, umalma si suspended BuCor Chief Bantag sa pagkaka-identify niya sa mga pinag-aaralang taong maaaring may kinalaman sa Lapid killing.
Binanatan niya ng deretsahan si PNP Chief Azurin dahil siningle out daw siya.
Meron pa raw dalawang general na hindi pinangalanan ni Azurin. Unfair daw si Azurin at kino-cover up niya ang dalawang tauhan niya.
Primarily, nasa mga kamay nina Boying Remulla at Benhur Abalos Jr. ang tagumpay ng kaso. Sa tulong ng ibang may alam na impormasyon sa kaso at mga suspek.
May mga kasamahan dib sa media na tumutulong sa kaso at nagbibigay ng mga impormasyon at ideya.
Nahalungkat na ba nila ang bank account ng suspected gunman gaya ng nabasa kong post ng ka-media na si Fernan Angeles? O bank accounts ng ibang kasabwat?
Maingay ang bawat pumuputok na pangyayari sa kaso ng Percy Mabasa killing.
Suspenseful, chilling, dramatic at mahiwaga.
May nagkukumpas pero tolongges sa science.
May mga butas at bangas sa kwento.
Sa sobra ngang ingay ng twists and turns sa Percy Mabasa slay, hindi ko na marinig ang nangyayari sa kasong illegal drugs importation ng anak na si Remulla III.1.
Pati ang panawagang resignation ni Remulla.
Kayo, naririnig nyo pa ba?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com
Comments
Post a Comment