Panawagan para sa World Food Month
NASADLAK sa lagim ng sunod-sunod na kalamidad, giyera at pandemya ang mundo kamakailan.
As a consequence, nahaharap tayo sa banta ng malawakang taggutom. Sa description ng mga eksperto ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, papunta na sa acute, catastrophic level ang sitwasyong ito partikular sa mahihirap na mga bansa sa daigdig.
Ang kalagayang ito ay tinatayang higit pang titindi sa parating na dalawang taon. At walang ligtas sa paparating na delubyong ito ng malawakang taggutom ang mayaman man o mahirap na bansa.
Wala kasing humpay ang pagtaas ng presyo sa gamit sa produksyon na pinalulubha pa ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, gayundin ng sigalot sa ilang teritoryo ng magkakapitbahay na mga bansa na ganap nang nagsasadlak sa malaking bahagi ng mundo sa recession, o kagipitan sa aspeto ng pangkabuhayan at kaguluhan sa pananalapi at kalakalan.
Papunta na rin ang Pilipinas sa “un-exciting” scenario na ito.
Bagamat bansang agrikultural at itinuturing na isa sa pangunahing bansa sa Timog Silangang Asya, walang sapat na kasiguruhan ang mamamayan pagdating sa usapin ng katiyakan sa pagkain.
Sa pagtataya, kukulangin ang bigas na aanihin natin ng 60 araw sa isang taon na pangkain o humigit kumulang sa apat na milyong metriko toneladang kakulangan.
Ang kakulangan na ito sa ating ani ay iniaasa natin sa pag-aangkat o importasyon. Ngunit paano na kung walang maangkat mula sa ibang bansa sapagkat 90% ng mga bansang nagluluwas ng bigas ay nagpahayag na hindi sila magluluwas dahil sa kanilang tantiya ay magkakaubusan ng suplay sa bawat bansa?
At kung sakali na mayroon mang maangkat sa labas ng bansa, labis na mataas ang halaga nito at di kakayaning bilhin ng nakararami sa ating mga kababayan lalo pa at matindi rin ang implasyon o pagbaba ng halaga ng piso.
Isang dagliang pangangailangan na harapin ng pamahalaan ang usaping ito upang maihanda ang agrikultura at pangisdaan ng bansa na tugunan ang ating pambansang kasiguruhan sa pagkain.
Nakapanglulumo lamang na ang kalagayan ng sektor na “kawal” sa digmaan laban sa gutom at kakulangan ang siyang unang dumaranas ng gutom at kahirapan. Ang hanay na sinasandalan natin ay nanganganib na maubos na kung kaya sino o saan tayo maaring umasa sa panahon ng national emergency dahil sa krisis sa pagkain?
Malayong magtatagumpay ang bansa laban sa gutom at kasapatan ng pagkain kung ang mismong hanay na magsusulong nito ay siyang unang biktima ng labanan na nais nating lampasan.
Dahil dito, ang Oktubre na itinakda ng daigdig bilang “World Food Month” ay nagkakaisang inihahain sa pamahalaan ng network ng mga magsasaka na Alliance for Resiliency, Sustainabiity and Empowerment (ARISE), Aniban ng mga Magsasaka, Mangingisda at Manggagawa sa Agrikultura (AMMMA), Katipunan ng Bagong Pilipina (KBP), National Task Force on Food Sovereignty(NTFFS), at Integrated Rural Development Foundation (IRDF) ang mga sumusunod na panawagan:
1. Ipatupad ang isang pambansang patakaran na tutugon sa pambansang katiyakan at pagsasarili sa pagkain na nakatuon sa pagpapaunlad ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawang bukid at iba pang sector na lumilikha ng pagkain.
2. Kagyat na pagrebisa sa Rice Tarrification Law (RTL) na dahilan ng pagbagsak ng presyo ng palay at kabuhayan ng milyon-milyong magsasaka.
3. Itaas ang presyo ng palay sa P25/kg at itaas sa 10 porsyento ng kabuuang ani ng palay ang bibilhin ng NFA. Bigyang-prayoridad ang paglalagay ng mga bagong imbakan at patuyuan ng palay, buying stations at mga pasilidad sa transportasyon sa bawat probinsya. Repasuhin at palitan ang presyong suporta ng NFA sa palay sa dahilan na nakabase pa ang gastos sa produksiyon noong 2012 pa. Baguhin din ang mga rekisito at standards na ipinatutupad ng NFA sa pagbili ng palay sa dahilang hindi kayang magbenta ng mga maliliit na magsasaka ng malinis at tuyo na aabot sa 14% moisture content. Wala kasing mga pasilidad na pantuyo ang mga maliliit na magsasaka.
4. Ibalik ang kapangyarihan ng estado o ng National Food Authority (NFA) na kontrolin ang importasyon at ang pangangalakal ng bigas sa domestikong pamilihan.
5. Subsidyo sa puhunan, gamit pambukid (pestisidyo, fertilizer at panggatong) at pangangalakal (marketing) at pagpapalawak ng tulong panlipunan sa mga magsasaka, mangingisda at manggagawang bukid na nawawalan ng kita (displaced)dahil sa masamang panahon at kaguluhan.
Naniniwala ang ating mga magsasaka na ang mga kahilingang ito ay siyang ganap at tumpak na katugunan upang ganap na lumaya ang bansa laban sa gutom at kawalang katiyakan sa pagkain.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com
Comments
Post a Comment