Red flags: Job scammers

KAHAPON, may mag-asawa na naman akong inasikaso sa aming opisina na biktima ng isang illegal recruiter na kanilang nakilala sa pamamagitan ng TikTok.

Anila, ang nasabing illegal recruiter na ito ay diumano’y isang sub-agent ng pinagtatrabahuan kong POEA (now Department of Migrant Workers or DMW) licensed agency.

Kapanipaniwala raw ang mga sinabi nitong kausap nila lalo’t binanggit ang aming employer na mag-aalok sa kanila ng training bago makaalis papuntang Canada.

Sila ay pinagpamedikal sa isang clinic sa Leon Guinto, Manila, na ang resibong ibinigay lang ay ang dental at optical examination, samantalang maraming pinagawang medical-check up sa kanila. Umabot daw ng halos P8,000 ang kanilang nagastos, yan ay presyo para lamang sa isang tao.

Bitbit ang kanilang mga damit, nagtungo sila sa aming ahensya sa paniwalang sila ay dapat magbayad na ng P7,000 kada tao para sa isang training para maging housekeepers.

Ang ipinagtataka nila, itinuro sila sa isang lugar kung saan sila magbabayad at hindi raw kailangan sa aming opisina pa. Dito na nagduda ang mag-asawa kaya pumunta sila sa aming tanggapan. Galing pa sila sa Cagayan Valley.

Nagsulat sila ng kanilang salaysay at ito ay sinumite namin sa Anti-Illegal Recruitment Branch ng DMW kahapon via email at may kakilalang taga media na tumutulong upang sila ay makapag-file ng complaint.

Basahin muli ang mga “Red Flags” na minsan ay tinalakay ko na sa aking column, pero uulitin ko muli sa ibang approach:

1. Huwag maniwala agad na isang legitimate recruiter ang kausap mo.

Magsasabi sila na sila ay “sub-agent”, “agent” or katiwala ng ahensya at tumutulong lang para maipabatid ang mga job opportunities sa mga nangangailangan. Maraming followers sa Tiktok? I-check agad kung ang kausap ay sadyang nakarehistro sa DMW at tawagan ang ahensyang sinasabi nila na sila ay connected or sub-agent.

2. Ikaw ay ipapamedical agad

Ayon sa POEA/DMW rules, ang isang aplikante ay magpapamedical lamang sa isang accredited DOH clinic kung ito ay may natanggap nang job offer mula sa kanilang employer.

At take note, bawat embahada ng bansang nais puntahan ay may mga official medical clinic na ginagamit, at hindi ito basta-basta.

3. Ikaw ay pinangakuan ng trabaho pero kailangan mag-training muna

Isang mahirap na sitwasyon ito dahil ang unang tanong “Sa TESDA or sa TESDA-certified facility” ba ang training? Pangalawa, kung may bayad man ito, hindi ito dapat umabot ng P7,000 o mahigit pa. At dapat may proper coordination din ang training facility sa ahensyang nagpapadala ng mga aplikante para sa training. Pag walang mabanggit na facility for training at never n’yo pa napuntahan ang ahensya, magduda na kayo.

Maari pa rin natin talakayin ang mga nasa itaas na mga red flags, at maari pang madagdagan yan sa susunond na column ko.

Hanggang sa muli!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com


Comments

Popular posts from this blog

Bilyonaryong baon sa utang pinalalayas sa mansion?

Pari arestado sa panggagahasa sa dalagita

Estudyante hindi na libre sa LRT-2