Ang Pagong at ang Buwitre
ALAM ba ninyo ang dahilan kung bakit bitak-bitak ang talukap ng pagong?
Sa simula ng panahon, ang buwitre at ang pagong ay matalik na magkaibigan at madalas na nagkikita. Nakatira ang pagong sa isang lawa sa loob ng masukal na gubat. Dahil nakakalipad ang buwitre, palagi niyang binibisita ang pagong sa lawa na kanyang tinitirhan.
Inggit na inggit ang pagong sa kanyang kaibigang buwitre dahil mabilis at nakalilipad ito. Nais niya ring makalipad at maging matulin tulad ng ibang mga hayop sa kagubatan.
Sapagkat maliit at maigsi ang kanyang mga paa, nag-aalala ang pagong na baka masira ang kanilang pagkakaibigan dahil hindi niya napupuntahan ang buwitre sa kagubatan o madalaw man lamang ito.
At mula noon, palagi niyang iniisip kung paano n’ya tutuparin ang kanyang pangarap na makalipad at makapaglakbay—at siya naman ang magkaroon ng pagkakataong dalawin ang kanyang kaibigan.
Napakaganda ng gubat. At makikita ang iba’t ibang klase ng mga ibon na umiikot sa langit. Isang araw, napansin ng pagong ang isang kawan ng mga ibon na lumilipad sa itaas. Pinanood niya ang mga ibon na lumilipad pasulong at pagkatapos ay nawala sa likod ng mga bundok sa gilid ng mga damuhan. Patuloy silang lumilipad at bumababa lamang sa may lawa kapag nauuhaw ang mga ito.
Pinagmamasdan lang ang pagong sa mga ibon habang iniisip ng may pananabik ang kanyang pangarap na makalipad kasama nila.
Nang maglaon, nakita niya ang isa pang kawan ng mga ibon sa langit, na lumilipad sa parehong direksyon tulad ng nakaraang kawan. At kagaya ng kawan na nauna sa kanila, sila rin ay nawala sa likod ng hanay ng bundok.
Hindi mapakali ang pagong. Gustong-gusto na niya talaga lumipad, at desperado na siyang makarating sa himpapawid at makita kung anuman ang nasa likod ng mga bundok. Araw-araw, ang kanyang pangarap at ambisyong makalipad ay lalo pang tumitindi.
Sa huli ay nakaisip siya ng isang tusong plano upang linlangin ang kaibigang buwitre.
Kinuntsaba ng pagong ang kanyang asawa at sinabi nito ang kanyang balak. Napagpasyahan nila na ibabalot ng pagong ang kanyang sarili sa isang tungkos ng mga banig ng tambo.
Ang buwitre at ang pagong ay palaging nagkikita—at tulad ng tunay na magkaibigan—hindi nila kailangang magtakda kung kailan dapat sila magkikita.
At sa muling pagbisita ng kaibigang buwitre sa lawa, bahagi ng tusong plano ay ibibigay ng kanyang asawa ang tungkos sa kanyang kaibigan bilang regalo.
Kakaiba ang kanyang plano, ngunit desperado ang pagong na mahagkan ang ginaw ng ihip ng hangin sa alapaap.
Pagkatapos ay lilipad siya pabalik nang palihim kasama ang buwitre at sosorpresahin niya ito kapag nakarating sila sa kanyang tahanan.
Nang binisita ng buwitre ang pagong sa lawa, humingi ng paumanhin ang asawang pagong na wala ang kanyang kabiyak, at inaabot nito ang tungkos ng mga banig na tambo sa buwitre bilang pagpapakita ng lubos na paumanhin.
Nalungkot ang buwitre na hindi niya nakita ang kanyang kaibigan, ngunit natutuwa ito dahil sa kanyang natanggap na regalo. Wala itong kaalam-alam na sa loob ng tungkos ay nakabalot ang pagong. At sinadyang butasan ng pagong ang banig upang masilip at makita ang tanawin sa labas.
Mahigpit na hinawakan ng buwitre ang binalot na regalo ng kanyang mga matutulis na kuko at lumipad pabalik sa kanyang tahanan sa kagubatan.
Patuloy na lumipad pataas ang buwitre, at mas lalong natuwa ang pagong. Kitang-kita niya ang mga hayop sa ibaba at ang buong kagubatan mula sa langit. Ibang mundo ang kanyang nasaksihan mula sa itaas—mundong tanging ang mga ibon lamang ang siyang mapalad na maranasan ang ganitong kagandang tanawin.
At makalipas ang ilang minuto sa himpapawid, ang pangarap ng pagong na lumipad ay nangyayari na. At mas natuwa ang pagong dahil lumipad ang buwitre nang mas mataas pa kaysa sa ibang mga ibon. Habang lumilipad ang buwitre pauwi bitbit ang binalot na regalo, ang pagong ay napahiyaw sa pananabik.
“Ayan, ang ganda dito sa itaas—para ko ring nahahawakan ang mga ulap!” sigaw ng pagong.
Hindi inaasahan ng buwitre na ang kanyang hawak na banig ay magsalita, at sa labis na takot ay binitawan niya ang dalang binalot na regalo—at tuloy-tuloy na ngang nahulog ang pagong mula sa langit.
Ang mga tungkos ng mga banig ng tambo ay bumagsak mula sa langit, at kalaunan ay tumama nang makailang ulit sa batuhan.
Malakas ang pagbagsak ng pagong sa lupa. Lumagapak ito sa ilang nakausling matitigas at matutulis na bato. Ngunit, dahil nabalot ng mahigpit ang pagong sa tungkos ng mga banig ng tambo, mapalad at nakaligtas siya. Gayunpaman, nabasag at nagkabitak-bitak ang kanyang talukap at balat. Mula noon at magpahanggang ngayon ay makikita pa rin ang mga bitak sa likod ng pagong—tanda ito ng kanyang pagkainggit at makasariling ambisyon.
***
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.Matagal na panahon bago muling nakalakad ang pagong—ngunit mabagal at paika-ika na ito.
Kalauna’y gumaling naman ang mga sugat at bitak ngunit nag-iwan ito ng mga peklat sa balat na sadyang malalalim at malalaki.
Comments
Post a Comment