Kakulangan at kalabisan
UMAAPAW ng pagkain ang 36” by 40” inches at 60 metro haba na mesa.
Mayroong lechon, barbecue, adobo fried chicken, caldereta, relleno, cordon bleu, lumpia, pansit, samu’t saring cake at mga prutas. Hindi rin halos makahinga ang refrigerator sa dami ng salad, burnt cheesecake at iba pa.
Pasko naman kasi. Minsan isang taong selebrasyon sa kapanganakan ng manunubos.
Ang eksenang ‘yan- regular o pamilyar sa maraming tahanan ngayong Pasko.
Sa 113,186,006 kasalukuyang populasyon ng Pinas, kahit 30 porsiyento lang ng kabuuang populasyon ang maghanda ng ganyang karami, tiyak ang masamang epekto nito sa kalusugan at kalikasan.
Kaya iba pa rin ang simple, organically-sourced at low key celebration. Sapat lang at hindi labis upang maiwasan ang pagtatapon sa mga leftover food pagkatapos.
Praktikal pa at mabuti sa sanlibutan. Mabuti sa kalusugan, sa kalikasan, sa klima, at sa ekonomiya.
Consider this: Sa buong mundo, halos 800 milyong katao ang natutulog sa gabi na walang laman ang sikumura. Katumbas iyan ng isa sa bawat siyam na katao sa ibabaw ng planeta na nagugutom o kulang sa sapat na nutrisyon.
Dito sa Pinas, libong katao rin ang kumakalam ang sikmura gayong maraming sinasayang at ibinabasurang pagkain mula sa mga kabahayan at restoran.
Mayroong 2.9 milyong Pinoy ang dumaranas ng tinatawag na involuntary hunger, ayon sa pag-aaral ng Social Weather Stations, habang sa tantiya naman World Wide Fund Philippines at ng GreenSpace, kada linggo ay may nakokolektang isang toneladang tirang pagkain sa may 100 hanggang 125 kabahayan at 20 hanggang 25 mga restoran. Sa National Capital Region pa lamang ay dalawang milyong kilogramo o 2,000 tonelada ng food waste ang itinatapon kada araw. Mahigit 80 porsiyento ng basura ay mga pagkain ayon sa WWF. Ayon pa rin sa WWF, “Food in itself is one of the greatest contributors to climate change.”
“The mass food production and transportation of food contribute to greenhouse gasses through burned petrol for machines and vehicles, but wasted food has a more direct impact on heating the planet. When it is wasted it ends up in landfills,” dagdag na obserbasyon ng WWF.
Yung mga nabubulok na pagkain, nagpoprodyus ng methane gas, o ang greenhouse gas na nakakadagdag sa pag-init ng daigdig (global warming), na siya rin dahilan ng pabago-bagong klima (climate change). At ang Pinas ang isa sa mga bansang pinakabulnerable sa epekto ng pabago-bagong klima.
Ang kakulangan ng kaalaman at maling pagtingin sa mga kalabisan tuwing may selebrasyon lalo na sa mga highly urbanized na lugar gaya ng siyudad ay nagreresulta sa mga labis-labis na paghahanda na akala ng marami ay walang epekto maging sa kalikasan.
Magkaugnay ang problema sa pagtatapon ng tirang pagkain sa umiigting na kagutuman sa bansa. May mga nag-inisyatiba na upang mabawasan ang food wastage at bigyang- solusyon ang problemang ito. Nakakapanlumo nga naman kasi na andaming naitatapon na pagkain habang lib libo ang dumaranas ng gutom.
Ang Kontra Gutom (Philippines Against Hunger) ay isang multi-sectoral initiative na tumutugon sa problema ng kagutuman sa magkakaibang aspeto. Nagumpisa ito taong 2020 pa, at suportado ng Philippine Business for Social Progress (PBSP), na isa sa pinakamalawak na social development foundation na pinopondohan ng maraming negosyo, kabilang ang may 250 kompanya. Isa sa mga ginagawa ng Hunger Project ang pakikipag-ugnayan sa mga manufacturers, hotels, farms at restaurants na i-donate ang kanilang mga food surplus sa mga eskuwelahan, bahay-ampunan at mga emergency shelters.
Tumatanggap ang movement ng mga canned at processed food na may malapit nang expiration date at mga tinatawag na production overruns. Marami ng mga lugar na hikahos ang nakinabang sa proyektong ito.
Kasama rin sa solusyon sa food waste ang alternatibo ng composting, na isinasagawa ng ilang mga local government units (LGUs) sa NCR.
Hindi na simpleng problema ang pagtatapon ng pagkain. Kung kaya huwag maging sarkastiko kapag nakarinig ng “ubusin ang pagkain, maraming nagugutom.”
At sa susunod na may selebrasyon, paghandaan itong mabuti kung paano magiging makabuluhan at maka-kalikasan.
Habang walang mali sa paghahanda at pagsasaya, wala pa ring katulad ang tahimik, simple, lowkey na selebrasyon na hindi kailangang ipangalandakan. Tila boring at killjoy sa iba, subalit mas makahulugan sa ilan. Ilaan ang mas maraming oras sa pakikipag-ugnayan kesa mindless eating o pigging out na madalas ay red flag sa kalusugan at bangungot sa kalikasan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com
Comments
Post a Comment